Official Website
  • Home
  • Who Is She
  • Talk To Her
  • What She Wrote
  • Buy Her Stuff
  • Events
  • FAQs
  • Fun Stuff
    • Gallery
    • Contests
    • Downloads
    • Music/Songs Featured in the Stories
    • Videos >
      • Fanmade Groups & Pages
      • Fanmade Videos
  • Members only

“Joss nabili ko na yung libro!” sumigaw-sigaw ako doon sa labas ng gate habang kumakaway-kaway ako sa kanya habang nasa kamay ko yung libro na bago kong bili, “Finally nabili ko na rin!”

Tumingin lang si Joss sa akin tapos hindi ako pinansin. Tignan mo ito—ni –hindi man lang excited para sa akin. Palibhasa kasi walang ka romance-romance sa katawan eh. Nag-bestfriend na lang din ako eh hindi pa supportive sa mga frustrations ko.

Kagaya na lang ngayon.

“Hoy!” hinampas ko siya ng malakas sa braso niya kaya napatingin siya bigla sa akin, “Narinig mo ba yung sinabi ko?”

Nakasimangot si Joss sa akin. Lumingon naman siya nung hindi na niya ako maiwasan pa.

“Oo narinig ko Nea…” sagot niya sa akin na parang tinatamad-tamad pa, “Katangahan na naman yang binili mo. Gastos pa.”

Inismidan ko naman siya. Sabi ko nga sa inyo eh hindi supportive yang bestfriend ko na yan. Pero kahit ganun naman, napapagtiyagaan ko na rin. I guess iba lang talaga ang perspective ng mga lalaki pagdating sa kakiligan ng mga babae. Ewan ko ba. Hindi nila ma-gets eh. Kung nag-bestfriend na lang sana ako ng babae baka naintindihan din ako. ‘Di ba?

Kaya naman ako excited eh finally nabili ko na rin yung libro na matagal ko ng pinapangarap. May katotohanan man ito o hindi, wala namang mawawala sa akin kung susubukan ko ‘di ba? Unless counted yung P200 ko para presyo nito na binayad ko na halos dalawang buwan ko rin pinag-ipunan. Okay na yun. Magkagusto man si Phil sa akin eh bawing-bawi naman yung P200 na yun no.

Binuksan ko naman yung libro doon at binasa ko. Nakita ko na yung nakasulat doon sa taas:

Pocket Guide to Love

How to Make Your Crush Like You Back

Oo na sige na. Baka iniisip niyo na tanga na nga kung tanga kagaya ng sinabi ni Joss. Pero minsan kahit na hindi ko alam kung magwo-work ba yung mga ganito o hindi, nakakatuwa lang na may ganito pa rin. Sabi naman sa reviews effective naman daw. Bakit hindi masubukan, ‘di ba?

Nakaupo ako doon at sinimulan ko naman basahin yung libro. May mga nakalagay tungkol doon sa mga payo nila na kailangan eh ayusan mo man lang yung sarili mo at kailangan presentable ka, pag-aralan mo yung gusto ng crush mo, magkaroon ng positive vibes sa paligid mo… at kung anu-ano pa.

Absorbed na absorbed ako doon sa pagbabasa ko nung bigla na lang may nag-lean sa tabi ko at bigla na lang nakisali doon sa binabasa ko.

“OMG! May Pocket Guide ka na crush issue?”

Tinignan ko kung sino. Si Emily lang pala. Isa ito sa classmate namin. Nakakahiya tuloy na may binabasa-basa ako na ganun. As much as possible eh gusto ko sanang maging secret ito eh. Pero ayan, huli naman kaagad.

Itatago ko na sana yung libro nung nakitabi siya sa akin. Pabulong pa niya ako na kinausap uli.

“Ano ka ba,” mabilis niya na pagkakasabi sa akin, “Magkakahiyaan pa ba tayo? Gusto ko sanang maki-join diyan. Gusto ko rin subukan yung mga nakasulat sa libro sa crush ko.”

Tignan mo nga naman ang pagkakataon. May partner in crime pa ako. Tutal wala akong kakampi, ngayon naman meron na.

“Sinong crush mo?” tinanong ko naman si Emily ng deretsahan, “Kanino mo gagamitin yung steps ng libro?”

Lumingon-lingon siya sa likod niya na para bang chini-check niya kung mag tao na makakarinig. Ngiti pa siya ng ngiti na para bang kinikilig-kilig din. At one point, parang nakita ko yung sarili ko sa kanya.

“Si Joss!” mahina niyang sagot sa akin, “Shh. Alam ko bestfriends kayo eh. Huwag ka maingay ha! Nakakahiya eh.”

Tawa lang ako ng tawa sa sinabi niya. Ano ba naman itong si Emily. Sa dinami-dami naman ng magiging crush eh si Joss pa.

“Si Joss?” inulit ko pa sa kanya, “Emily naman!”

“Ang cute-cute niya kaya!” sinabi niya sa akin ng mabilis, “Buti nga kayo close eh. Pero buti na lang parang magkapatid lang din kayo.” Humawak naman siya sa balikat ko, “Ikaw, kanino mo gagamitin yang libro?”

Huminto lang ako kaunti. Hindi naman kami close ni Emily. Medyo nag-hesitate pa ako sabihin kasi baka naman kumalat pa sa amin. Pero mukhang wala namang siyang balak ipagsigawan sa lahat yung sasabihin ko sa kanya.

“Kay Phil.” sabi ko naman.

Napasandal lang bigla si Emily. Ngumiti lang siya ng pagkalaki-laki tapos tinakpan niya yung bibig niya na parang gulat na gulat siya sa sinabi ko.

“Si Phil?!?”

Kagaya ko eh tumawa rin siya ng malakas.

“Hindi ba mahirap yun?” tanong niya sa akin bigla, “Yung crush ng bayan na si Phil? Yung may pagka-player?”

“Hoy hindi ah!” pinagtanggol ko naman si Phil sa kanya, “Hindi pa niya kasi nahahanap yung babae para sa kanya para hindi na siya papalit-palit ng girlfriend no,” tumingin ako sa gilid ko tapos binalik ko sa kanya yung tingin ko, “At ako yun.”

Ganun na nga yung nangyari. Nagkaroon ako ng instant partner doon sa pagsunod doon sa pocket guide na binili ko. Hindi ko nga inaasahan, kaya ayun.

Kung tutuusin, ayos lang naman na maging ka-partner si Emily. Medyo perfect nga eh. Tutal bestfriend ko si Joss eh matutulungan ko siya, samantalang siya eh kaibigan ng kuya niya si Phil. Mapapadali pa yung mga gusto naming gawin.

Yung ibang mga payo sa libro, madali lang naman gawin. Yung iba, parang walang kinalaman sa kahit ano. Superstition lang yata o ano at walang basis sa kahit ano. Pero katulad nga ng sinabi ko, wala namang mawawala sa amin ni Emily kung gawin namin parehas ‘di ba?

Kaya nung makita naming yung unang nakasulat doon sa libro… kumilos na kami kaagad: Put a picture of your crush under your pillow.

Many people say that putting a picture of your crush under your pillow does not necessarily evoke any magical messages that will make your crush like you back instantly. Putting a picture of your crush under your pillow leaves you thinking of that person before you sleep; therefore, keeping that possibility of a good night sleep, wake up in a good mood, which leaves you feeling rejuvenated and refreshed for a new day.

 

Ayun. Isa iyon sa payo. Maglagay daw ng picture ng crush mo sa ilalim ng unan mo. Malaki na nga lang na pasasalamat ko na naging partner ko si Emily eh. Kasi nga, paano naman ako makakakuha ng picture ni Phil? Ang hirap naman nun?

Siya naman, ang dami-dami naman na picture ni Joss sa akin. Kaya lang hindi naman kaya masyadong bad vibes kapag ang binigay kong picture eh yung picture na  hindi intended para sa kanya? Kunan ko na lang kaya ng picture si Joss?

“Joss tingin dito!” sabi ko sa kanya nung nakita ko siya uli, “Joss ano ba!”

“Ano?” lumingon siya akin nun na parang nalilito pa, “Para saan ba yan?”

Nakipag-agawan pa ng cellphone sa akin itong si Joss. Hindi ko naman masabi-sabi sa kanya na kaya ko lang naman siya gustong kunan ng picture eh para mabigay ko kay Emily yung picture niya. Ayaw ko naman na mabuking si Emily. Kawawa naman yung tao.

“Tara dito!” hinila ako ni Joss bigla-bigla at umakbay naman siya sa akin, “Picture lang bakit hindi ka pa sumama ha?”

Nung kukuha na kami ng “selfie,” saka ko siya tinignan. Natawa lang siya sa mukha ko dahil hindi daw ako nakatingin sa camera at nakasimangot lang daw ako sa kanya.

Sinira naman ni Joss yung diskarte ko. Pahirapan pa eh! Hindi na lang mag-pose ng maayos eh. Hindi mo makunanan ng picture.

Tinignan ko yung picture namin. Okay na eh. Pogi naman siya dito at full blown na nakangiti siya. Suot-suot pa niya yung specs niya na parang nerd glasses ni Clark Kent. Magsasalamin na nga lang yung pa-cute pa. Feeling naman nito…

 Hay naku. Paano ko ba gugupitin yung mukha ko dito? Ayan tuloy, kasali pa ako. Extra work pa eh.

By the end of the day, nagkita naman kami ni Emily. May dala-dala siyang isang picture ni Phil na mukhang kuha pa sa isang studio. Malamang hindi naman nahirapan si Emily na kumukha ng picture ng crush ko na si Phil. Mukha ba naman nun eh pakalat-kalat kung saan. Ilang beses na kasing sumali yun sa campus pageant eh. Lagi kasing nominated. Nanalo naman siya last year.

Tinignan naman ni Emily yung picture na inabot ko sa kanya.

“O, ano ‘to?” tinuro niya yung picture, “Bakit may tapal dito?”

Nailang naman akong bigla. Hindi ko talaga magupit ng buo yung mukha ko. Kapag ginupit ko kasi, pati part ng baba ni Joss magugupit eh.

“Si Joss kasi pahirapan eh. Pasensiya na.” tinuro ko naman yung picture, “Pwede na yan. Tignan mo cute naman siya diyan.”

“Oo nga!” pangiti-ngiti na sabi ni Emily. “Thank you Nea!”

Kagaya ni Emily, excited na excited naman ako na umuwi nung gabi na yun. Noon inaasam-asam ko lang na magkaroon ng picture ni Phil, tapos ngayon eh hawak ko na. Sarili kong picture. Yung hindi ko ninakaw. Picture na nakatingin si Phil sa camera at naka-pose pa na parang model.

Naupo ako nun sa kama ko. Ewan ko ba. Studio photo naman ito ni Phil. Parang alam mo na… hindi… spontaneous. Naka-smile siya dahil kailangan sa camera hindi dahil… hindi dahil nakangiti siya dahil masaya siya nung nakunan siya.

Tinignan ko uli yung picture naming ni Joss doon sa cellphone. Parang hindi kasi ganito yung picture ni Phil katulad kay Joss. Si Joss parang genuinely na masaya dito sa picture.

Hay naku Nea ano ba yang iniisip mo? Itulog mo na lang yan.

Kaya ayun, itinulog ko na nga lang. Ang masaklap lang, napanaginipan ko pa si Joss. Ang weird nga. Imbis na si Phil ang napapanaginipan ko eh si Joss pa.

Nung sumunod na araw sa school eh si Emily na naman ang tumabi sa akin. Panay ang tanong niya sa akin kung ano daw ba yung susunod na gagawin namin according doon sa libro. Kaya ako naman eh todo basa doon…

Write his or her name all over your notebook.

Writing your crush’s name creates attention and inspiration. Who knows? He or she might notice it?

“Yun lang?” mabilis na pagkakasabi ni Emily, “Ganun lang? Isusulat lang yung pangalan ng crush sa notebook?”

“Ayun ang sabi eh.” sagot ko naman sa kanya, “O sige. Sundan na ‘to.”

Bumalik naman kaagad itong si Emily doon sa upuan niya at nakita ko na binuksan niya yung notebook niya. Aba hindi talaga nagsasayang ng oras yung babaeng yun. Dapat siguro ako rin eh. Baka mamaya siya eh may progress na siya kay Joss tapos ako kay Phil eh, zero pa rin.

Kinuha ko naman yung gel pen ko at sinimulan ko na isulat ng pagkaganda-ganda yung pangalan na lagi ko naman ng sinusulat sa notebook ko noon pa: Phillip Jay Espinosa. Para dagdag effect, may heart pa doon sa dulo.

Phillip Jay Espinosa. Phillip Jay Espinosa. Phillip Jay Espinosa. Phillip Jay Espinosa…

Puro ganun. Pinupuno ko yung first page ng notebook ko.

Hindi pa nga ako tapos magsulat nung may bigla na lang umagaw ng notebook ko.

“Ano na naman ‘to?”

Tinignan ko si Joss. Tinaas pa niya yung notebook at binasa-basa pa niya yung nakasulat.

“Joss akin na!” tumalon-talon pa ako para abutin ko yung notebook ko kaya lang tinaas niya pa lalo, “Hindi pa ako tapos eh!”

“Phillip Jay Espinosa…” pabulong niyang sinabi, “Bakit mo naman sinusulat yung pangalan ni Phil?”

Naagaw ko na rin finally. Naibaba na rin ni Joss yung notebook nung nabasa na niya yung nakasulat.


“Sabi doon sa libro, isulat ko daw eh.”

Huminto naman si Joss at lumapit sa akin.

“Nea, sinasabi ko naman sa iyo.. hindi totoo yang libro na yan. Sinasayang mo lang yung oras mo.” Sermon naman ni Joss sa akin, “Ano namang logic na pansinin ka ni Phil ng dahil sa pagsulat mo ng pangalan niya sa notebook mo?”

“Ikaw negative vibes ka talaga Joss eh!” tinuro-turo ko pa siya, “Hayaan mo na lang ako sa kasiyahan ko okay?”

“Sinasabi ko lang!” tinaas niya yung dalawang kamay niya, “O sige isusulat ko yung pangalan mo dito ha..” nilabas niya yung isang notebook niya at sinulat niya ng buong-buo yung pangalan ko, “O ano? Matagal mo na akong kilala. Isulat ko man ang pangalan mo dito eh hindi ibig sabihin na magkakagusto ka sa akin. Dahil ba sa sinulat ko yung pangalan mo sa notebook ko eh….“

Hindi pa tapos yung sinasabi ni Joss nung may narinig kaming sumigaw.

“Arnea!”

Lumingon naman ako. Sinong tumatawag sa akin?

Pagkatingin na pagkatingin ko eh nakita ko na si Phil yung tumatawag sa akin. Naglalakad na siya papalapit sa akin kaya para akong naninigas doon sa kinatatayuan ko. Bakit niya naman kaya ako tinatawag?

Saglit lang din eh, nandun na siya sa gilid ko.

“Arnea, nahulog mo yung ID mo oh.” Inabot niya sa akin yung ID ko na hindi ko napansin na nahulog pala galing doon sa holder ko, “Nice handwriting.” sabay kindat niya sa akin at umalis na.

Kabadong-kabado ako nun. Si Joss naman eh parang nagulat na lang din doon sa nangyari.

Didilaan ko na sana si Joss ng dahil doon sa nangyari kaya lang defensive at sumagot kaagad.

“Wala namang na-prove yun na may kinalaman yung pagpansin niya diyan sa libro mo…” sabi niya bigla-bigla, “Nakuha lang niya yung ID mo. Coincidence. Big deal.”

“Joss ano ba!” tinapik ko naman siya sa kamay niya, “Tignan mo!”

Pinakita ko sa kanya yung ID ko na may puro sulat ng pangalan ni Phil sa gilid. Kahit na nag-iinit na yung mukha ko sa sobrang hiya, kahit na ganun pa man, napansin ako ni Phil! Effective nga yata itong libro na ito eh!

Tumayo naman bigla-bigla itong si Joss. Bigla na lang niyang hinawi yung buhok niya at nagkunut-noo pa siya na para bang may binabasa. Para tuloy siyang hindi mapakali sa nangyari.

“Si Emily rin?” tinuro niya si Emily na nandun sa kabilang side ng room, “Ginagawa din yung ginagawa mo?”

“Oo eh…” wala naman na sigurong saysay kung itatago ko pa kay Joss. Matalino naman yan kaya malalaman at malalaman din naman niya, “Crush ka kasi ni Emily.”

Napatingin lang siya bigla sa akin.

“Oh.”

“Huwag kang magsungit masyado ah!” binalalaan ko naman si Joss, “Magpakabait ka naman sa kanya.”

“Okay.. okay…” sagot niya sa akin ng seryoso, “I’ll be nice to her.”

Tinotoo naman ni Joss yung sinabi niya na para bang walang kahirap-hirap. Talagang nagpakabait siya kay Emily at kaya naman lalo namang kinilig-kilig si Emily. Hindi ko tuloy masabi sa kanya na alam ni Joss yung totoo. Kung sabagay, kung nakabuti naman yung ginawa ko, okay lang naman ‘di ba?

Nung sinundan pa namin yung nakasulat doon sa libro, sinabi doon na magbigay daw ng anonymous na gift doon sa taong gusto mo. Sa totoo lang nung nakaupo ako doon sa bench nung isang araw, ni-wala ni isa akong alam na pwedeng ibigay kay Phil. Hindi ko alam kung anong hilig niya. Ni-hindi ko alam kung ano ang magandang iregalo sa taong crush ko.

Hanggang crush nga lang siguro ako kay Phil. Wala akong kaalam-alam sa kanya.

“Nea, anong ireregalo ko kay Joss?” tanong naman ni Emily sa akin, “T-shirt kaya?”

Nakatitig lang ako kay Emily. Parang wala ako sa gana na hindi ko maintindihan nung araw na iyon.

Siyempre, sinabi ko naman sa kanya yung mga hilig ni Joss. Simple lang naman yung tao na yun. Mahilig sumayaw, may koleksiyon ng iba’t ibang klaseng ballers, laging nanonood ng zombie movies…

Kahit ano naman doon magugustuha niya. Simple lang naman si Joss.

Siyempre niregaluhan ni Emily si Joss katulad ng sinabi ko. Hindi niya nilagyan ng pangalan niya kahit halatang-halata naman na siya talaga yun.                                                                                                             

Nagkamali pa ba ako? Joss loved Emily’s gift. Ang laki-laking pasasalamat sa akin ni Emily sa tulong ko. Nagiging close na daw sila ni Joss at niyaya pa daw siya sa Valentine’s dance.

Si Joss. Nagyaya ng date sa Valentine’s dance. Para ngang hindi ko ma-process na yung bestfriend ko eh may kakayahan pala na magyaya ng date. Yun nga, may interest pala yun sa babae to begin with?

“Tignan mo itong iniwan na regalo ni Emily?” tinaas niya yung baller na naiwan sa locker niya at pinagmamalaki pa niya sa akin, “Paano niya nalaman na ito yung baller na matagal ko ng gustong bilihin?”

Gustung-gusto ko sabihin na, “Joss ako nagsabi sa kanya,” kaya lang kamalditahan naman na yun. Kaya ayun… hindi ko na lang sinabi. Hayaan na lang natin na isipin niya na si Emily lahat ang nag-isip nun.

Panay ang sabi ni Emily na effective daw yung libro. Dalawa na lang daw ang kailangan niyang gawin at matatapos na ang lahat. Pack up the courage and talk to your crush… and Just be yourself.

Last na. Yun na lang daw para sa kanya. Buti pa siya…

Nung dumating na rin yung Valentine’s dance na sinasabi nila, siyempre pumunta pa rin ako kahit na wala akong date na sinasabi nila. Wala nga akong kasama nun at parang kawawa naman ako doon. Hinahanap ko pa si Joss dahil siya naman talaga yung kakampi ko. Pero this time talaga, missing in action ang loko.

Bakit ba wala na si Joss? Dati-rati lang nandito na yun para asarin ako sa suot ko o sa make-up ko. Pero ngayon… wala eh.

“Arnea… hey…”

Lumapit na naman si Phil sa akin. Ang gwapo-gwapo pa niya tignan at talagang ang ganda-ganda nung tuxedo niya. No-wonder Campus King namin ito. Kulang na lang mag-artista eh.

Pero ‘di kagaya dati, ni-walang kaba akong naramdaman. Walang excitement. Wala lang. Nandun lang siya.

“Gusto mong sumayaw?”

Tumango lang ako sa kanya. Kulang na nga lang eh tumanga ako sa kanya. Kung hindi ko pa naramdaman na may tumulak sa akin sa likod ko, hindi ko malalaman na hinihintay pala ako ni Phil.

Si Joss. Tinulak ako para makipag-sayaw kay Phil.

Nakita ko na rin siya kasama si Emily. Naka simpleng dress shirt lang siya na kulay pula at may tie na itim. Nginitian lang niya ako at dumiretso na siya doon sa kabilang side ng dance floor. Kasama niya si Emily doon sa kabila.

Saka ko naramdaman. Ayun. Mabilis. Para akong kinakabahan.

Kay Joss. Bakit kay Joss?

Tapos saka ko na-realize. Yung libro… hindi na para kay Phil. Yung libro eh…

“Arnea…”

Saka ko lang napansin uli si Phil sa harapan ko. Nasa harapan ko na, inaayawan ko pa. Hindi ba ito naman yung gusto ko? Hindi ba ito naman yung pinapangarap ko dati pa? Makasama si Phil. Hindi ba? Hindi ba kaya ko nga ginawa lahat ng nakasulat doon sa libro?

“Phil…”

Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa kanya. Hindi ko alam kung bakit niya ako kinakausap. Ni-wala siyang alam tungkol sa akin at wala rin akong alam tungkol sa kanya. Kahit anong libro pala ang sundan ko, ni-hindi nun masasabi kung sino ang isang tao.

Hindi ko kilala yung taong sinasabi kong gusto ko.

Napaatras tuloy akong bigla.

“S-sorry Phil…” mabilis kong sinabi sa kanya, “B-baka naman iniisip mo na…”

Parang naintindihan kaagad ni Phil kung ano yung gusto kong sabihin. Saka lang siya ngumiti sa akin.

“Oh no, I understand.” Sabi niya sa akin, “Actually… gusto ko si Emily. Magpapatulong sana ako sa iyo dahil close kayo.”

Parang lalong bumigat yung dibdib ko. Si Emily. Si Emily daw….

Lumingon akong bigla sa direksiyon ni Joss at ni Emily na magkasayaw na doon sa kabilang side. Ako naman eh nakatayo sa harapan ni Phil na parang hindi ko alam kung anong gagawin ko.

“Kukuha lang ako ng bulaklak para sa kanya,” paliwanag naman niya sa akin, “Sa tingin mo magugustuhan niya kung yayain ko siya sumayaw?”

Hindi ko na maalala kung anong sinagot ko kay Phil. Ang alam ko lang eh umalis siya at naiwan ako na nakatayo doon sa gitna na mag-isa. Hindi ko tuloy alam kung anong gagawin ko. Nakatanga lang ako na nakatingin doon sa malayo at pinapanood ko si Emily at si Joss na sumasayaw.

Si Joss na sumasayaw kasama ang ibang babae. Dati ako lang yung sinasayaw niya tapos ngayon…

Nung nag-iba pa yung tunog at nag slow dance, saka ko nakita na lumapit na si Phil doon sa side nila Joss at nakita ko na nakaextend yung kamay niya para yayain si Emily. May hawak-hawak pa siyang bulaklak na inabot niya. Si Joss naman nakita ko na nandun. Hinalikan niya sa pisngi si Emily…

Ako naman, hindi ko alam kung anong nangyari sa akin. Nakatayo lang ako sa gitna ng lahat ng nagsasayaw ng slow dance ng walang kapartner. Iniwan ako ng partner ko at mag-isa ako doon. Para akong tanga na iniwan.

Kaya ayun… humagulgol na lang ako doon. Nasa gitna ako ng dance floor at umiiyak mag-isa. Hindi ko na mapigilan eh. May iba na siyang hinalikan…

Nakayuko na ako nun dahil sa sobrang lakas na ng pag-iyak ko. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin. Bigla na lang lumabas eh. Masakit pala…

Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa sarili ko. Tatayo na lang ba ako doon sa gitna o aalis ako? Anong gagawin ko dito sa sakit na ‘to? Ni-wala akong kasama ngayon. Ako lang talaga mag-isa. Wala naman akong inaasahan ngayon…

Kaya nga siguro nagulat na lang ako nung may yumakap sa akin.

Umurong pa nga ako para itulak kung sino yung yumakap sa akin…

“Dali na. Mag-pretend ka na lang na kaslow-dance mo ako para naman hindi halata na umiiyak ka diyan…” narinig ko na sinabi niya sa akin at niyakap ako ng mahigpit.

Kilala ko yung boses na yun…

“J-joss…” garalgal na pagkakasabi ko sa kanya.

Hinawakan niya ako sa ulo ko at pinasandal niya ako doon sa dibdib niya. Lalo tuloy tumuloy yung iyak ko. Siya naman, nanahimik na lang doon at hinayaan na lang niya akong umiyak doon sa buong slow dance.

“Ikaw naman kasi eh…” narinig ko na sinabi niya sa akin ng mabilis, “Pipili ka na lang din yung may gusto pa sa iba…”

Saka ako humiwalay sa kanya nun. Pinunasan niya yung luha ko at nakatingin lang siya sa akin.

“A-ano? A-alam m-mo n-na?”

Saka naman siya nagulat sa akin. Halata mo sa mukha niya na hindi niya alam kung anong sinasabi ko.

“Anong alam ko na?”

“K-kung s-sino yung gusto ko?” tanong ko naman sa kanya.

“Si Phil ‘di ba?” sagot niya naman.

Humawak naman ako doon sa isa niyang kamay. Huminto siya sa pag-sway niya at pinagmasdan lang niya ako.

Katangahan na naman ba itong gagawin ko?

“Hindi ba sabi mo katangahan na sundan ko yung pocket guide?”

Humawak naman siya sa pisngi ko nun. Seryoso na rin si Joss na hindi ko maintindihan.

“I’m sorry I said that.” sagot niya sa akin, “Actually, I’ve been doing the same thing like you and Emily…”

Lalo akong umiyak nun. Joss likes Emily. Emily likes Joss. Gumagana yung libro sa kanila…

Ako yung… wala.

“I’ve been following a book too…” natawa siyang bigla, “I know, it’s stupid. But seeing how you guys are doing it…”

Ito na eh. Ito yung kinakatakot ko na marinig sa kanya.

“K-kumusta naman yung libro? Effective ba?” mabilis kong tinanong sa kanya.

He stepped closer at niyakap ako.

“Ewan ko. I have still yet to finish it.”

Napahinto ako sa kanya. Nakita ko na may hinila siya sa loob ng bulsa niya at hinarap niya sa akin. Isang issue ng Pocket Guide series na kamukha halos ng libro ko. Only this time…

Wait. What?

Nakatayo lang siya doon.

“Emily’s been helping me kaya lagi ko siyang kasama.” Ngumiti siya sa akin, “She never liked me like that you know. She thought she did, until she followed that book and realized na hindi ako yung hinahanap niya.”

“Oh.”

Hindi ko alam ang isasagot ko. Ano ba ‘to?

“I’ve been following this book hoping na sana maging effective din sa akin. Pero hindi ko pa alam kung anong mangyayari eh. Hindi ko alam kung paano magrerespond yung babaeng gusto ko kapag nalaman niya.”

Huminto na lang si Joss nun.

Saglit lang, hinarap niya sa akin yung libro na hawak-hawak niya.

How to Make Your Bestfriend Fall In Love With You.

Just like that. I cried to his shoulders all night at thinking I lost him. Pero ayun… wala nga sigurong libro na nakakapag-predict kung anong mangyayari sa sinasabi nilang ‘story of love.’

But the pocket guide did its wonders, I’ll give it that. Yun nga lang... it was…

With a different guy.

At a different time.

And well? A different issue number.

comments powered by Disqus

Nocost
© copyright Thu Sep 15 03:37:03 UTC 2011 - All Rights Reserved
  • Home
  • Who Is She
  • Talk To Her
  • What She Wrote
  • Buy Her Stuff
  • Events
  • FAQs
  • Fun Stuff
    • Gallery
    • Contests
    • Downloads
    • Music/Songs Featured in the Stories
    • Videos >
      • Fanmade Groups & Pages
      • Fanmade Videos
  • Members only